Umaapela ng hustisya ang pamilya ng Pinay na pinatay ng kaniyang Slovenian husband habang nagbabakasyon ang mga ito sa Bled Slovenia noong December 29, 2024.
Maalalang natagpuan ang katawan ni Marvil Facturan sa apartment na nirentahan nilang mag-asawa na tadtad ng saksak.
Ang kaniyang mister na kinilalang si Mitja Kocjančič ang itinuturong prime suspek.
Umaapela ang nanay ni Marvil na si Vilma Pila na matulungan siyang maibalik ang mga labi ng anak dito sa Pilipinas at mabigyan ng hustisya ang kaniyang pagkamatay.
Kwento ni Pila, noong Pebrero ng nakalipas na taon ay nakilala niya ang kaniyang asawa sa social media at matapos ang limang buwan ay pinuntahan siya nito dito sa Pilipinas. Dito ay agad na-engaged ang dalawa.
Agad namang nag-propose ang lalake sa kaniyang anak noong Hulyo-15 at pagsapit ng Hulyo-29 ay ikinasal ang dalawa sa Silang, Cavite.
Bagaman wala silang nakitang negatibong pag-uugali mula sa Slovenian, dati na umano niyang sinabihan ang anak na kilatising mabuti ang ugali nito.
Apela ni Gng. Pila sa pamahalaan na tulungan silang masilayan ang mga labi ni Marvil, matukoy ang tunay na nangyari, at mabigyan sila ng hustisya.
Sa kasalukuyan aniya, hindi pa rin malinaw sa kanila kung ano ang tunay na nangyari kasunod ng kaniyang pagkamatay.