-- Advertisements --

BACOLOD CITY ⁠— Umapela ng tulong mula sa gobyerno ang pamilya ng Pinay transgender na pinaslang sa New South Wales, Australia.

Sa panayam ng Star FM Bacolod, sinabi ni Richard Bruno, kapatid ng biktimang si Mhelody Polan Bruno, na malaki ang paniniwala ng kanilang pamilya na ang dating kasintahan ng biktima ang suspek sa krimen.

Batay sa salaysay ni Richard, nagpunta ng Australia ang kanyang kapatid para magbakasayon kasama ang kasintahan. Nakatakda raw sana itong umuwi ngayong buwan.

Pero ilang araw bago ang flight nito ay nakatanggap daw sila ng ulat na nawala ito, hanggang sa malaman nilang patay na ang kapatid ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Hanggang ngayon ay hindi pa raw sila kino-contact ng kasalukuyang nobyo ni Mhelody na nakilala sa pangalang “Andy.” Naniniwala raw kasi ang kanilang pamilya na ito ang susi para malaman ang nangyari sa biktima.

Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag ugnayan ng pamilya Bruno sa DFA para sa iba pang impormasyon kaugnay sa pagkamatay ni Mhelody at sa repatriation labi nito sa Pilipinas.