DAGUPAN CITY – Humiling ng tulong ang pamilya ng 30-anyos na Pinoy migrant worker na nasawi matapos nalunod sa isang beach sa Tainan City, Taiwan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Shela Bravo, residente ng bayan ng Bayambang at ina ng biktima na si Renz, nais nilang mapabilis ang pag-uwi sa bansa ng kanyang anak.
Aniya, medyo nababagalan daw sila sa takbo ng pagproseso ng mga dokumentong kailangan para sa pagpapauwi sa labi ng biktima.
Nabatid na si Renz ay nagtatrabaho bilang machine operator sa factory ng mga spare parts ng mga kotse sa Taiwan.
Ang pagpunta umano sa dagat ay bahagi ng gawain sa kanilang simbahan bilang bahagi ng paglilingkod sa Dios.
Matatandaan na kaagad na nagresponde ang Tainan City government matapos makatanggap ng report na mayroong nalulunod na grupo ng mga migrant workers sa isang sikat na scenic spot na Sunset Platform sa Anping District.
Dinala pa sa Kuo General Hospital ang biktima ngunit hindi rin ito naisalba at idineklarang patay ng doktor.