-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Daan-daang mga fans ng Milwaukee Bucks ang makikisaya sa victory parade na isasagawa sa Wisconsin, USA, matapos na tinanghal ang koponan bilang 2021 NBA Champion laban sa Phoenix Suns.

Ito ang ibinahagi sa Bombo Radyo Koronadal ni Bombo international correspondent Janeth Cooksey, na 15 taon nang naninirahan sa Wisconsin.

Ayon kay Cooksey, hindi pa natatapos ang selebrasyon ng Team Milwuakee matapos na masungkit ang kampeonato na limang dekada na rin ang huli, kung saan lubos na ikinagalak ng mga taga-Wisconsin ang pagkapanalong ito at ng kanilang pamilya.

Buong galak din na ibinahagi ni Cooksey na ang anak nitong si Carlo Cooksey ang naging flag bearer ng koponan.

Dagdag pa nito, proud at masaya rin na ibinahagi ng kaniyang anak ang makasaysayang naganap sa loob ng stadium.

Samantala, bahagyang nakaramdam naman ng kaba si Cooksey nang marinig ang isang serye nang pamamaril matapos ang Game 6 sa labas ng gym kung saan naganap ang laro, na nag-iwan ng tatlo ang sugatan.

Nagpasalamat naman ito dahil nahuli ang suspek sa pamamaril at ligtas na nakauwi ang flag bearer na anak.