-- Advertisements --

VIGAN CITY – Wala umanong engrandeng selebrasyon na inihanda ang pamilya ni 2019 Philippine Military Academy (PMA) MABALASIK Class valedictorian Cdt. 1Cl Dionne Mae Umalla sa pag-uwi nito sa kanilang bahay sa Barangay Alilem Daya, Alilem, Ilocos Sur pagkatapos ng graduation ceremony bukas, May 26.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Jun Umalla na isa sa mga kapatid ni Cdt. 1Cl Umalla, simpleng salu-salo lamang umano nilang magkakamag-anak ang plano nila sa pag-uwi nito sa kanilang bahay.

Ito ay dahil ayaw umano nilang masabihang mayabang kahit na nakamit ng kanilang kapatid ang pinakamataas na karangalan sa pagtatapos nito sa pinaka-prestihiyosong akademiya sa bansa.

Samantala, hindi umano nito matiyak kung kailan isasagawa ang inihahandang homecoming celebration ng local government unit ng Alilem sa pangunguna ni Mayor Mar Ruel Sumabat para sa kaniyang kapatid.

Muli naman nitong sinabi na ang kanilang ina na mag-isang nagtaguyod sa kanilang apat na magkakapatid ang nagsilbing inspirasyon ni Cdt. 1Cl Umalla para makamit ang tagumpay.