KORONADAL CITY – Kahit nahuli na ang suspek sa masaker na responsable sa pagkasawi ng tatlong katao sa bayan ng Banga, South Cotabato, hindi pa rin humuhupa ang hinagpis na nararamdaman ng mga kaanak ng mga biktima.
Emosyonal na inihayag sa Bombo Radyo Koronadal ni Belen Villano, nakababatang kapatid ng massacre victim na si Zeleny Magno sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal na kahit tinanggap nila si Paul Bautista sa kanilang pamilya mula nang pinakasalan nito si Monlene Magno-Bautista, hindi rin naman aniya nila matiis ang umano’y pagiging marumi at matigas ang ulo nito kaya hindi umano maiiwasan na sinasabihan siya ng masasakit na salita upang magtanda.
Ngunit sa halip na tumalima ay nagagalit pa ito sa kanila.
Ayon sa kaniya, nais niyang maparusahan si Bautista sa kaniyang ginawa hanggang sa malagutan ito ng ginhawa.
Hindi nila umano basta-basta mapatawad ang suspek sa kaniyang ginawa dahil gusto niyang maghirap ito katulad ng ginawa niya sa kaniyang sariling mga kaanak.
Nagpasalamat naman ito sa lahat na tumulong sa kanila maging kay Mayor Albert Palencia na pinasan ang medical at burial assistance ng pamilya.