DAGUPAN CITY – Hindi na napigilang maging emosyunal ng ilang kaanak ni Sgt. Ahmad Mahmood, sa pagbabahagi kung gaano nito kamahal ang kaniyag propesyon.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, hindi na naiwasan ni Ginang Marilou Malala, na sisihin ang kaniyang sarili kung bakit pinayagan nitong tuparin ni Sgt. Mahmood ang kaniyang pangarap na magsundalo simula pa noong bata ito.
Dagdag pa nito, talagang nagpursige din ang kaniyang pamangkin upang makamit ang kaniyang pangarap.
Nabatid na palipat lipat na ng distino sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao si Sgt. Mahmood at beteranong sniper din sa madugong Marawi seige. Kayat hindi aniya, inaasahan ng kanilang pamilya na masasawi ito sa kamay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Kuwento pa ni Ginang Malala, tila nagpapaalam na si Sgt. Mahmood sa huli nitong pag-uwi sa kanilang tahanan bago madistino sa North Cotabato dahil ginagawa niya mga bagay na hindi niya dating ginagawa, bagamat, lagi pa rin aniya itong tumatawag sa kanila simula ng madistino na ito.
Inalala naman ng Ginang ang kaniyang pamangkin, na isang mabuti at mapagpakumbabang tao. Sa katunayan aniya, kahit marami itong mga kaibigan sa bayan, ikinagulat nilang sundalo pala ito ng maiuwi na ang kaniyang mga labi sa kanilang tahanan.
Nabatid na nagiisang anak si Sgt. Mahmood, 30 anyos at wala ding asawa na residente ng barangay San Vicente West Asingan.
Una rito, July 25 ng kasalukuyang taon, nasawi matapos tamaan sa kanilang ulo ang Pangasinenseng sundalo sa gitna ng isinagawa nilang combat operation kung saan nakasagupa nila ang mga miembro ng BIFF.