KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang-patay sa dating vice mayor ng isang bayan sa Maguindanao del Sur habang binabaybay ang daan sa bahagi ng Lambayong, Sultan Kudarat.
Ayon nay Police Major Jethro Dave Doligas, hepe ng Lambayong PNP,nagmamaneho ng kanyang puting Toyota Hilux pick-up truck si Sittie Jinn Utto Lumenda, dating vice mayor ng Radjah Buayan, Maguindanao del Sur, ng tambangan ng mga armadong kalalakihang nakaabang sa gilid ng highway sa isang liblib na barangay sa Lambayong.
Ang napaslang na si Lumenda ay pabalik na sa poblacion ng Radjah Buayan mula sa Tacurong City kasama ang kanyang ama, si Datu Jonathan Lumenda, ng maganap ang insidente.
Dead on the spot ang dating opisyal habang nagtamo ng mga tama ng bala ang ama nito na naisugod pa sa ospital.
Ipinag-utos na sa Lambayong PNP at Sultan Kudarat PNP ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12 ang agad ba pagtugis sa nakatakas na mga salarin na responsable sa pananambang sa mga biktima.
Inaalam pa ng pulisya sa ngayon kung sino ang tatlong armadong mga salarin at kasamahan ng mga ito gayundin kung ano ang kanilang motibo sa pagpatay kay Lumenda.
Sumisigaw naman ng hustiya ang pamilya ng mga biktima.