Anim na bala mula sa 5.56 caliber ang tumama sa katawan ni Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan matapos tambangan nitong nakalipas na Sabado.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cavite police provincial director at SITG Lubigan head S/Supt. William Segun, sinabi nito na ang multiple gunshot wounds ang naging sanhi sa agarang pagkamatay ni Vice Mayor Lubigan na pawang mga fatal shots.
Nadamay pa sa pananambang ang driver-bodyguard ng opisyal.
Batay sa resulta ng autopsy report ng PNP Crime Lab, nabatid na isang bala ang tumama sa ulo ng vice mayor at ang iba sa may bahagi ng kaniyang abdomen.
Nagmula umano sa bala ng 5.56 caliber ang tumama sa katawan ni Lubigon base sa resulta sa isinagawang ballistic examination ng PNP SOCO.
Sinabi ni Segun, hindi bumaba sa sasakyan ang mga suspeks na nasa dalawa hanggang tatlo, pero isa lamang sa mga suspeks ang bumaril sa vice mayor.
Inihayag din ni Col. Segun na kanila nang isinasantabi ang anggulo sa isyu sa illegal drugs at kanilang tinututukan ngayon ang anggulo sa politika.
Kabilang sa inaalam nila ang isyu kung bakit “not in good terms” ang vice mayor sa mayor ng siyudad.
Hanggang sa ngayon, blangko pa rin ang SITG Lubigan sa kung sino ang mga suspeks at kung sino ang nasa likod nang pananambang.
Sa kabilang dako, nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations ng mga pulis laban sa mga suspek at maging ang ginamit na SUV ng mga suspek.
Nirerebyu na rin ng task force ang lahat ng mga CCTV cameras lalo na sa mga lugar na posibleng naging exit route ng mga suspek.
Aminado naman si Segun na sa “scale of 1-10” sa kanilang imbestigasyon masasabi aniya na nasa “4” pa lamang sila.
Ibig sabihin, marami pa raw silang dapat gawin para maresolba ang kaso.
Sa ngayon hindi pa nila nakukuhanan ng pahayag ang pamilya Lubigan ukol sa kaso.
Hiniling kasi ng pamilya na igalang muna ang kanilang pagluluksa sa panahon ngayon.