ROXAS CITY – Labis ang tuwa na nararamdaman ngayon ng pamilya Villagracia matapos masungkit ni Angel Villagracia ang gintong medalya sa 100-M hurdles Secondary Girls sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mrs. Josephine Villagracia, ina ni Angel, sinabi nito na halos walang mapagsidlan ang kasiyahang kanilang nararamdaman dahil sa panalo ng kanilang anak.
Napag-alaman na panganay sa tatlong magkakapatid si Angel at residente ng Barangay Solo, sa bayan ng Pontevedra, Capiz.
Dagdag pa ni Nanay Josphine, elementary pa lamang ito nakitaan na ng abilidad si Angel sa larangan ng pagtakbo at sa ngayon ay kasalukuyang nag-aaral bilang iskolar sa Capiz National High School at nasa Grade 10 sa darating na pasukan.
Kung matatandaan si Angel ay nakapag-uwi na rin ng mga medalya para sa Capiz sa ginanap na Batang Pinoy 2022 noong buwan ng Disyembre sa Vigan, Ilocos Sur.
Nagpapasalamat naman ang ina nito sa lahat ng sumusoporta sa karera ng kanyang anak, mapa-prayers man o pinansyal.