-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi pa rin umano natatapos ang mga dumarating na banta sa seguridad para kay Bikoy at pamilya nito dahil sa mga kinakaharap na kaso.

Si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy ang boses sa likod ng “Ang Totoong Narcolist” video series na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito sa illegal drug trade.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Joseph Advincula, nakababatang kapatid ni Bikoy, nakakatanggap pa rin umano sila ng mga tawag mula sa “unknown numbers”.

Aminado si Joseph na hindi biro ang mga nakabangga ng kapatid na malalaking tao kaya’t hiling ang panalangin ng mga tagasuporta at naniniwala sa mga pahayag ni Bikoy.

May ilang grupo rin aniya na nag-aalok ng pagbibigay ng seguridad sa pamilya kabilang na ang pulisya subalit tumanggi nang magpaunlak lalo pa’t tinitimbang umano ang sirkumstansya.

Tiwala naman ang pamilya sa proseso at gulong ng kaso sa tulong ni Atty. Larry Gadon bilang legal counsel.

Hangad ng pamilya na maumpisahan na ang pagbalangkas sa mga kaso upang maibalik ang kredibilidad sa kanilang pamilya sa paglabas ng katotohanan.