-- Advertisements --

LA UNION – Hangad ngayon ng nagluluksang pamilya ni Breanna Patricia Jonson o Bree Jonson, na malaman ang katotohanan sa pagkamatay ng 30-anyos na artists, sa pamamagitan ng pagsasailalim sa autopsy ang bangkay nito.

Napag-alaman na dumating sa bansa kahapon, Setyembre 20, ang ina ni Bree na si Sally mula Canada matapos ipaalam na patay na ang anak nito.

Nais ni Sally na ipa-autopsy ang bangkay ng anak, ngunit nadismaya nang malaman na isasagawa lamang ito pagkatapos ng tatlong araw.

Bilang pagsunod sa ipinapatupad na health protocol, sasailalim sa limang araw na mandatory quarantine si Sally bago makita ang bangkay ng anak, na nananatili sa isang morgue dito sa San Fernando City, La Union

Samantala, plano ng ama ni Bree at estranged husband ni Sally, na kasuhan ang nobyo anak na nakilalang si Julian Ongpin, na anak umano ng bilyonaryong si Roberto Ongpin.

Si Ongpin ang kasama ng 30-anyos na artist, na nagtungo sa isang hotel sa San Juan La Union.

Kung maalala, nakita na wala ng malay ang biktima sa loob ng kuwarto noong Sabado, Setyembre 18.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Police, may nakita umanong cocaine sa loob ng tinuluyang kuwarto.

Samantala, si Ongpin ay inimbitihan sa himpilan ng pulisiya matapos i-report ang insidente ngunit pinakawalan din umano ito.

Plano naman ni Sally na magsagawa ng dalawang araw na lamay sa Quezon City bagi iuwi ang bangkay ng anak sa kanilang bayan sa Davao.