-- Advertisements --

Nanawagan na rin ang kampo ng pamilya ng pinaslang na flight attendant sa lungsod ng Makati sa mga itinuturong suspek sa karumal-dumal na krimen na magpakita na at huwag nang magtago sa mga otoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Jose Ledda III, miyembro ng legal counsel ng pamilya ni Christine Dacera, sinabi nito na dapat nang lumantad ang walong iba pang mga at-large na suspek para makapagbigay ng kanilang mga testimonya.

Paliwanag ni Ledda, malaki ang maitulong nito para mabigyan ng kalinawan ang krimen, lalo na’t may mga naglalabasang pahayag sa social media na nadamay lamang umano ang mga nagtatago pang mga indibidwal.

Ayon naman kay PCol. Harold Depositar, chief of police ng Makati PNP, hinihintay na lamang nila na umusad na ang inquest proceedings at ang regular filing ng mga kaso laban sa walong at-large.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na posibleng pinainom umano ng droga ang biktima at ginahasa sa loob ng isang silid sa isang hotel sa Makati City.

Mayroon din mga sugat na nakita sa katawan ng biktima.

Una nang sinampahan ng reklamong rape with homicide ang mga natukoy na suspek, kung saan tatlo sa kanila ang nadakip na na kinabibilangan nina John Pascual Dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; and John Paul Reyes Halili.

Hawak na rin ng mga otoridad ang CCTV footage ng naturang hotel.