-- Advertisements --

NAGA CITY – Dumistansya ang pamilya ni Sen. Leila de Lima sa pagbibigay ng anumang impormasyon kaugnay ng nakatakdang pag-uwi ng opisyal sa Camarines Sur para bisitahin ang may sakit na ina.

Nabatid na noong isang araw nang isinugod sa NICC Doctor’s Hospital sa Naga City ang 86-anyos na ina ni De Lima na si Norma Magistrado dahil sa umano’y kritikal na kalagayan ng kalusugan nito.

Pasado alas-4:30 ng madaling araw kanina nang magbiyahe ang senadora mula Camp Crame sa Quezon City patungong Camarines Sur.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson B/Gen. Bernard Banac, alas-5:00 kaninang madaling araw nang mag-take off ang eroplanong sinakyan ng senadora sa Ninoy Aquino International Airport papuntang Legazpi City sa Albay.

Gayunman, diretso na ito sa Iriga City dahil nailabas na si Mrs. De Lima sa ospital at nakauwi na sa kanilang lugar.

Base sa mga kondisyong inilatag ng korte, aabot lamang sa 48 oras ang ibinigay na panahon sa opisyal para makasama ang ina.

Sasagutin ni De Lima ang lahat ng gastos habang pinagbawalan naman itong humarap at magbigay ng anumang pahayag sa mga kagawad ng media.

Katunayan ay mahigpit ang ipapatupad na seguridad ng kapulisan kasabay ng paglabas ng senador sa kulungan.

Umaasa ang mga otoridad na magiging maayos ang lahat hanggang sa siya ay maibalik sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame.

Hindi na nagbigay pa ng karagadagang impormasyon ang PNP for security reasons.

Si De Lima ay nakakulong dahil sa akusasyon na may kinalaman umano ito sa kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison nang siya pa ang kalihim ng Department of Justice. (with report from Bombo Analy Soberano)