-- Advertisements --

Tahimik lamang na ginugunita ng pamilya ni Eduardo “Eddie” Garcia ang ika-40 araw ng pagkamatay ng multi awarded actor ngayong araw.

Sa pangunguna ng kanyang partner of 33 years na si Lilibeth Romero, ina ni One Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, mistulang may simpleng salu-salo ito sa Pasig para sa malalapit na kaanak.

Sa venue ay may inilagay na picture frame ni Manoy katabi ang bulaklak, at mayroon pang standee.

Nabatid na natapos na ang sariling imbestigasyon ng TV Network kaugnay sa aksidenteng nangyari bago pumanaw ang legendary actor sa edad na 90 noong June 20, pero hindi pa ito isinasapubliko.

Una nang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nanganganib na maharap sa parusa at multa ang TV network kaugnay sa tinamong injury ni Eddie na nauwi sa pagka-comatose nito bago tuluyang bawian ng buhay.

Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Occupational Safety and Health Center (OSHC).

Ayon pa sa kalihim ng DOLE, marapat lang na mayroong OSH officer sa lahat ng establishment para sa kaligtasan ng lugar at senyales na tumalima ito sa health standards alinsunod sa OSH Law.

Nabatid na si Bello ang nag-utos sa OSHC partikular sa executive director nitong si Noel Binag para isagawa ang imbestigasyon.

Kahit hindi aniya magreklamo ang pamilya ni Manoy ay puwedeng maghain ng administrative charges ang OSHC kapag napatunayang may pananagutan ang network.

“The network may be slapped with a monetary fine or suspensions of operations depending on how grave the lapses were,” dagdag ni Bello.

Si Garcia ay mahigit dalawang linggong nag-aagaw buhay sa ospital kasunod ng tinamong severe cervical fracture matapos maaksidente sa gitna ng taping sa Tondo, Maynila, noong June 8.