VIGAN CITY – Naniniwala ang isa mga kapatid ni resigned Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na lalabas din ang katotohanan kaugnay sa kinasasangkutang nitong anomalya sa importasyon ng asukal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Constantino ‘Tinong’ Sebastian, walang hangad ang nakababatang kapatid kundi ang tumulong sa Pilipinas at ibahagi ang kaalaman at eksperto sa hanay ng agrikultura.
Ayon kay Sebastian, sadyang matalino ang kapatid na kung saan nagtapos sa sekondarya na nangunguna sa kanilang klase, hanggang sa nag-aral sa UPLB, nabigyan ng scholarship grants na mag-aral abroad, nabigyan ng trabaho sa ibang bansa na kung saan mas nahasa ang galing sa agrikultura at naging agriculture scientist.
Una rito, nagbitiw sa pwesto si Sebastian bilang undersecretary ng Department of Agriculture for operations at chief of staff to the secretary of agriculture matapos tukuyin ng Malakanyang na isa sa mga lumagda sa illegal importation order ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Matatandaang sinabi ni Press Sec. Trixie Cruz-Angeles na sumulat si Sebastian kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., noong Agosto 11 kung saan humingi ito ng paumanhin sa ginawa nitong pagpirma sa Sugar Order No. 4 nang walang approval o pahintulot ng Chief Executive.
Ang Pangulong Marcos na siya ring kalihim ng kagawaran ng pagsasaka at naging chairman ng Sugar Regulatory Board.