-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Halos hindi inaasahan ng pamilya Obeñita at mga kaanak ni Bb Pilipinas Cinderella Faye ‘Cindy’ Ello Obeñita ang hihirangin na pangalawang reyna para sa Pilipinas sa Ms. Inter-continental na katatapos lamang ginawa sa Sunrise Diamond Beach Resort, Sharm El Sheik, Egypt.

Ito ang pag-amin ng ina ni Cindy na si Gng Leyte Ello Obeñita na nagpuyat din upang direktang mapanood ang final performance ng anak laban sa 71 pa na mga kandidata na naghangad din ng korona nitong Sabado ng madaling araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Gng Leyte na bata pa man ang kanyang panganay na anak ay pinangalagaaan na niya ang kalusugan bilang paghahanda para sa nakatakdang pagsabak nito sa beauty pageant competitions.

Sinabi nito na bagamat package na ang angking ganda ng kanyang anak subalit naging bunos na rin ang pagkakaroon nito ng pagiging matalino kung saan nagtapos ng kursong Bachelor of Arts Major Mass Communication bilang magna cum laude sa Liceo de Cagayan University sa lungsod.

Hindi rin itinago ng pamilya kung gaano sila kasaya sa tagumpay na naabot ng 25 anyos na si Cindy na mula sa panalo ng Bb Pilipinas hanggang sa pinakatitulo ng Ms Intercontinental 2021 sa Ehipto.

Si Cindy ang pangalawa pa lamang na Pinay beauty queen na nakahawak ng korona kung saan una itong nakamit sa katauhan ni Karen Gallman taong 2018 hanggang 2019.

Kasalukuyang senior tourism officer din si Cindy ng provincial government ng Misamis Oriental kung saan si Governor Bambi Emano ang nasa likod ng programang turismo ng lalawigan.