CAGAYAN DE ORO CITY – Ramdam na ang sobrang kaba subalit puno rin ng paniniwala ang pamilya ni Olympian boxer Carlo Paalam kaugnay sa nakatakdang laban nito kontra Irish boxer Brendan Irvine sa Kokugikan Arena, Japani.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag sa kapatid nito na si Michelle Paalam na mayroong sapat na tapang ang boksingerong Pinoy pagdating sa mga malalaking laban.
Sinabi pa nito tiwala sila sa pagsisikap at determinasyon na taglay ng kanilang kapatid upang abutin ang kanyang pangarap at tagumpay ng buhay sa pamamagitan ng boksing.
Hindi rin naiwasan nito na magbalik tanaw kung gaano sila kahirap na nakikitulog lamang sa loob ng kulungan ng baboy dahil wala silang pera pangbayad para makaupa ng bahay nang nakikipagsapalaran sa syudad.
Si Carlo ay nagsimulang mag-interes ng boksing sa edad 9 dahil nahikayat lang ito na mag-sparring sa anak ng isang boxing coach hanggang sumabak sa lingguhan na ‘boxing at the park’ program ng lungsod noong nakaraang mga taon.
Magugunitang nabigyan ng pormal na training si Paalam nang ipinasok ng dating gobernador ng Misamis Oriental at ngayon City Mayor Oscar Moreno ng kanyang sports program kung saan si local boxing coach Elmer Pamisa ang nangangalaga rito hanggang umabot sa international fights at nakapasok sa Olympics.