Patuloy ang pangunguna ng pamilya ng sikat na rapper na si DMX sa pagsasagawa ng vigil sa labas ng New York hospital kung saan naka-confine ang 50-anyos na singer.
Una nang isinugod sa ospital si DMX noong nakaraang Biyernes dahil sa heart attack.
May lumabas ding report na may kinalaman ang drug overdose at ito ay nasa life support na lamang sa ospital.
Ayon sa pamilya nahaharap sa seryosong “health issues” si DMX na ang tunay na pangalan ay Earl Simmons.
“We ask that you please keep Earl/DMX and us in your thoughts, wishes, and prayers as well as respect our privacy as we face these challenges,” bahagi ng statement ng pamilya.
Mula pa nitong nakalipas na araw maraming mga supporters ang nagtipon tipon sa labas ng White Plains Hospital.
Liban sa pagdarasal ilan sa mga ito ay pinatugtog ang mga awitin ng rapper.
Kung maaalala dekada 2000 nang bumandera ang mga hip-hop songs ni DMX.
Limang beses pa na nag-No. 1 ang kanyang album sa debut nito sa Billboard 200 chart.
Nominated din siya ng tatlong beses sa Grammy Awards, BET Award for Video of the Year noong 2006 at sa MTV Movie Award sa breakthrough male performance sa 2001 “Exit Wounds.”