NAGA CITY – Nananatiling buo ang suporta ng pamilya Robredo kaugnay ng naging desisyon ni Vice President Leni Robredo sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.
Mababatid na sa naging talumpati ni Robredo sa kanyang opisina ay tinanggap na nito ang hamon ng pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Butch Robredo, brother in law ng bise-presidente o kapatid ng yumaong si dating DILG Sec. Jesse Robredo, sinabi nito nagkaroon muna ng pagkonsulta sa kanilang pamilya si VP Leni na gumawa na ito ng pinal na desisyon dalawang araw bagong ang pormal nitong pag-anunsyo.
Dagdag pa nito, lagi naman aniya silang full support at nirerespeto nila ang mga nagiging desisyon ng pangalawang pangulo kahit na nga alam nilang mahirap ang tumakbo bilang presidente at lalo rin aniyang mas mahirap ang maging presidente ng bansa.
Matapos nito ay nag usap-usap din aniya ang magkakapatid na Robredo at inihayag ang kanilang pagkakaisa para kay Leni.
Sinabi rin ni Butch, nag-aantay lang sila sa magiging desisyon ni VP Leni at hindi aniya sila nag su-suggest o nangingialam dahil mas alam aniya ng ikalawang pangulo kung ano ang mas makakabuti sa kaniyang mga desisyon.
Sa ngayon, nagkaroon na nga tuldok ang mga espikulasyon na aniya’y tatakbo si VP Leni sa pagka-gobernador ng probinsya ng Camarines Sur.
Mababatid na pormal nang nakapaghain ng kanyang certificate of candidacy an bise-presidente bilang presidential candidate para sa 2022 elections, Oktubre 7, 2021.