KALIBO, Aklan — Naglabas ng sama ng loob sa Bombo Radyo ang isang ginang makaraang makaranas ng diskriminasyon ang kanilang pamilya sa pagdudang namatay ang kanilang ina dahil sa coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Rodelyn Apolinario, fake news ang pinapaikot na mensahe sa social media na COVID-19 ang ikinamatay ng kanilang inang si Elena Valdez, 66, ng Brgy. Lawaan, New Washington, Aklan.
Aniya simula nang iuwi ang bangkay ng kanilang ina ay walang kamag-anak na nakikipaglamay at kahit ang mga inimbitahang magdasal ay tila takot na pumunta.
Aminado naman ang ginang na may history of travel sa Maynila ang kanilang ina.
Na-admit umano ito ng halos anim na araw sa Intensive Care Unit (ICU) ng Aklan Provincial Hospital bago nalagutan ng hininga dahil sa komplikasyon sa sakit sa puso.
Kahit umano ang kanilang kabuhayan ay apektado ng malisyosong paratang dahil wala nang bumibili ng kanilang panindang tilapia.
Pakiramdam umano nila ay pinandidirian sila ng kanilang mga kabarangay.
Banat pa nito na hindi na sana sila pinayagang paglamayan ang kanilang ina kung COVID-19 ang ikinamatay nito at sa halip ay agad na ipinalibong o ipina-cremate.