(Update) LAOAG CITY – Agad nagpaabot ng pagbati ang mga opisyal ng lalawigan ng Ilocos Norte lalong-lalo na si Gov. Matthew Marcos-Manotoc na nasa New Zealand sa bagong chief justice ng Supreme Court na si Diosdado Peralta.
Ayon sa kanila, isang malaking karangalan para sa lalawigan ang pagiging punong mahistrado ni Peralta at para mas makilala at umangat pa ang llocos Norte.
Sinabi naman ni Mrs. Catalina Madarang-Peralta na kung buhay pa ang kanyang asawang si dating Digos City, Davao del Sur at naging Manila Court of First Instance Judge Elviro Lazo Peralta ay mas higit pa sa kanyang nararamdaman bilang isang ama.
Inihayag nito na kasama niya sana ang asawa na magdiriwang sa malaking tagumpay ng kanilang anak na kahit nagmula pa sa hirap ay may kakayahan itong umangat sa tulong ng Diyos at pagiging disiplinado.
Inalala pa nito ang yumaong asawa na ito ang abogado ng mga mahihirap, at hindi tumatanggap ng malaking halaga at sapat na umano ang isang manok o saging.
Kwento nito na nagpadesisyunan nila noon na mag-asawa na kailangan nilang pag-aralin si CJ Peralta para sa kanyang magandang kinabukasan at sa bubuing pamilya.
Hanggang ngayon ay tila nasa alapaap pa umano ang buong pamilya dahil hindi hindi pa “nagsi-sink in” sa kanila ang nakamit ng anak.
Kabilang sa maraming mga desisyon ni CJ Peralta, 67, ay ang kanyang pagiging “ponente” o sumulat sa kontrobersiyal na nagpahintulot ng SC na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong November 2016.
Maalala na kahapon ay pormal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Peralta bilang chief justice kapalit ng nagretiro na si dating Chief Justice Lucas Bersamin.