Nagsagawa ng retaliatory attacks ang Hamas-ally na Hezbollah laban sa Israel matapos masawi ang apat na miyembro ng pamilya kabilang ang 12 taong gulang na bata sa ginawang airstrike ng Israel sa Southern Village sa Lebanon nitong Linggo.
Ayon sa state media ng Lebanon, ikinasawi ng apat na katao mula sa isang pamilya ang pag-atakeng ginawa umano ng Israel.
Nitong mga nakaraang Linggo ay mas umigting pa ang labanan ng Iran-backed Hezbollah group sa Northern Israel gayundin ang ginawang pag-atake ng Israel sa kalupaan ng Lebanon.
Ang giyera sa pagitan ng dalawang grupo ay nagsimula rin noong matapos ang October 7 attack ng Hamas sa Southern Israel.
Dahil dito, nanawagan ang United Nations children’s agency na UNICEF ng agarang ceasefire at proteksiyon sa mga bata at sibilyan. Dapat anilang matigil na ang karahasan ngayon.
Sa panig naman ng Israeli military, sinabi nito na mayroong nagpaulan ng fighter jets sa military site nila sa Mais al-Jabal.
Inamin naman ng Hezbollah na nagpaulan sila ng Katyusha at Falaq Rockets sa Northern Israel bilang pagganti sa umano’y krimen na isinagawa ng Israel.
Ayon sa ulat, 390 katao na ang nasawi sa pitong buwan na cross-border violence sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon habang 11 sundalo naman at 9 na sibilyan sa panig ng Israel.