-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Lubos na ipinagpapasalamat ng pamilya Absalon ang pagkakaaresto sa isa pang itinuturong salarin sa pagpapasabog at pagpaslang sa magpinsang Keith at Nolven sa Brgy. Anas, Masbate City noong nakaraang taon.

Naaresto sa manhunt operation ng PNP Bicol si Rolly Hermina, 51, na sinasabing miyembro ng Larangan 1, Komite ng Probinsya 4 sa ilalim ng command ni Eddie Rosero alyas Ka Star.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Vilma Absalon, ina ni Keith na dating FEU football player, hiling din nito ang pagsuko ng iba pang kasamahan ni Hermina sa krimen.

Una nang naaresto ang isa pang akusado na si Mariel Suson, isang guro at anak ni Rogelio Suson alyas Manong/Julio, secretary ng naturang grupo.

Sa Hunyo 6, gugunitain ng mga kamag-anak at kaibigan ang unang taong death anniversary ng magpinsan kung saan maglulunsad ang friendly football cup sa pangunguna ng trainers ni Keith.

Samantala, ikinatuwa rin ng NTF-ELCAC ang balita kung saan inihayag ni Usec. Lorraine Badoy na hindi titigil ang kapulisan sa paghabol sa iba pang akusado upang maigawad ang hustisya para sa mga biktima.