-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Malaki ang pasasalamat ng pamilya Padernal-Villavende sa bayan ng Norala, South Cotabato sa pagpataw ng parusang kamatayan sa employer na babae ni Jeanelyn na brutal na pumatay sa kanya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Richard Padernal, tiyuhin ni Jeanelyn, ito ang pinakamagandang balita na natanggap nila ngayong taon lalo na’t Pasko at magbabagong taon.

Ayon kay Padernal, akala umano ng pamilya ay nakalimutan na ang pagkamatay ni Jeanelyn dahil sa COVID-19 pandemic ngunit nagpapasalamat sila sa gobyerno na hindi sila binigo sa hiling hustisya kung saan kamatayan din ang iginawad sa amo nito.

Ngunit may konting pagkadismaya umano dahil dapat ay maging ang employer na lalaki ni Jeanelyn na gumahasa sa kanya ang kasama rin sa mapaparusahan ng bitay.

Kaugnay nito, magsasagawa ng pagtitipon ang kanilang pamilya upang pag-usapan ang pagsasagawa ng Thanksgiving sa pagkapanalo sa kaso laban sa employer ni Jeanelyn.

Ang ama ni Jeanelyn at step-mother na si Nelly Padernal ang pauwi na mula Metro Manila matapos na kinausap ng mga opisyal ng gobyerno bago pa man inilabas ang desisyon ng Korte sa Kuwait.

Matatandaan na pinahirapan muna, ginahasa at brutal na pinatay si Jeanelyn ng kanyang employer sa Kuwait noong Disyembre 28, 2019 kung saan halos madurog ang pamilya nito sa nangyari sa kanya.