KORONADAL CITY – Muli umanong nagparamdam sa kaibigan ang pinatay na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na si Jeanelyn Villavende na taga-Norala, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Roda Magtulis, kaibigan ni Jeanelyn sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Roda, makailang beses na rin daw na nagparamdam sa kanya si Jeanelyn at hinihiling nito na kausapin ang kanyang pamilya upang mabigyan ito ng hustisya.
Ipinagdiinan din ni Roda na bago siya umuwi sa bansa nagbigay na siya ng statement sa Philippine Embassy sa Kuwait at isinalaysay doon ang kanyang mga nalalaman gaya umano ng ginawang paggahasa kay Jeanelyn.
Kaugnay nito ay mag-aalay si Roda ng banal na misa at bulaklak sa kanyang libingan.
Samantala, ayaw na makinig pa ng pamilya Villavende sa mga sasabihin ni Roda dahil masakit umano sa kanila na hindi man lamang nito natulungan na mabuhay si Jeanelyn.
Huli na umano ang mga ibinunyag ni Roda at hindi na mabubuhay pa si Jeanelyn.
Ngunit, nanindigan naman si Roda na katulong lamang umano siya sa Kuwait at naipaabot na niya sa Philippine embassy ang nangyari kay Jeanelyn subali’t siya pa ang binalaan na tumahimik na lamang upang hindi madamay sa kaso.
Samantala, naghahanda na ang ama ni Jeanelyn na si Baelardo Villavende sa pagpunta sa Kuwait sa Marso 25 upang dumalo sa unang hearing ng kaso.