-- Advertisements --

Roxas City – Wala ng plano ang pamilya na tutukan pa ang imbestigasyon sa pagkamatay ng mag-asawa na natagpuang wala ng buhay sa Sitio Ilawod, Barangay Dinginan, Roxas City.

Ito’y kinumpirma ni Police Master Sergeant Ramil Arcangeles, imbestigador at tagapagsalita ng Roxas City Police Station nang makapanayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Arcangeles na naniniwala ang pamilya na walang foul play ang pagkamatay ng mag-asawa dahil wala namang may nawala o kumalat na mga kagamitan sa loob ng kanilang bahay.

Maliban dito, wala narin plano ang pamilya na isailalim sa autopsy examination ang katawan ng mag-asawa.

Batay sa inisyal na impormasyon na natagpuan na lamang nang pamilya ng biktima na nakabitay na ang mister at wala narin buhay ang misis nito na nakahiga sa kama.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo sa ina ng hindi na pinangalanang mister na bago nangyari ang insidente ay ipinalabas pa nito ang kanilang anak na dalawang taong gulang dahilan na narinig ito ng kanilang pamilya.

Dahil dito tinawag nila ang mag-asawa ngunit hindi naman ang mga ito sumasagot dahilan na sinilip nila sa loob ng bahay at nakita na lamang nila na nakahiga at hindi na gumagalaw ang kanilang manugang.

Kaagad naman silang pumasok sa loob ng bahay at laking gulat na lamang nila na nakabitay na ang kanilang anak habang wala narin buhay ang kanilang manugang.

Nabatid na nakatakip pa ng kumot ang katawan ng babae at may nakitang pasa sa leeg nito.

Aniya na mayroong nervous breakdown ang kanilang anak ngunit matagal na itong gumaling.

Naniniwala naman ang pamilya ng mag-asawa na walang foul play ang pagkamatay ng mga biktima.