(Update) BACOLOD CITY – Dismayado umano ang pamilya nang dinukot na retired police sa ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa lungsod ng Bacolod.
Una rito, nitong nakaraang Biyernes Santo nang pwersahang kinuha ng armadong kalalakihan si retired Police Major Lito Pirote ng Barangay Villamonte, Bacolod City habang nasa loob ng Metro Inn sa 6th Lacson St., Bacolod.
Bago pa man dinala ng mga armadong kalalakihan ang dating pulis, dinis-armahan ng mga ito ang guwardiya at tinutukan ang lahat ng staff ng hotel na huwag makialaam upang hindi madamay.
Pinagpapalo pa umano ng armas si Pirote bago isinakay sa puting van (YS4514) at mula doon ay wala ng impormasyon ang kanyang pamilya kung saan na ito.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Bacolod sa anak ni Pirote na itinago na lamang ang pangalan dahil sa isyu sa seguridad, sinabi nito na dumulog na sila sa Bacolod Police Station 2 na siyang may hurisdiksiyon sa lugar ngunit ng sila ang pumunta sa station ay nagulat sila na janitor lamang ang kanilang dinatnan dahil naka-vacation leave daw ang lahat ng personnel.
Binabaan din daw sila ng cellphone ng tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nang magtanong tungkol sa pagdukot sa kanyang ama.
Hanggang ngayon ay blangko raw sila kung saan at ano na ang nangyari sa kanilang ama kaya hangad ng kanilang pamilya ang mabilis na pagresponde ng mga otoridad.
Maalalang nabilang ang pangalan ni Pirote sa drug matrix na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong October 2018.
Kasama nito sa drug matrix si dismissed police Col. Eduardo Acierto at apat na iba pa.
Si Pirote ay assigned noon sa Police Regional Office Central Luzon ngunit nang inilabas ang listahan ay ni-recall ito sa Camp Crame.
Kabilang din ito sa mga sinampahan ng kaso kaugnay sa P11 bilyon shabu shipment noong August 2018.