CENTRAL MINDANAO-Patuloy ang ginagawang pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Midsayap upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pamilyang sumasailalim sa istriktong home quarantine sa nabanggit na bayan.
Namahagi ng ayuda ang LGU-Midsayap katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pangunguna ni John Karlo Ballentes sa 7 pamilya na may 27 indibidwal na kasalukuyang naka-quarantine.
Ito ay bahagi ng layunin ng LGU-Midsayap na mabigyan ng sapat na serbisyo ang bawat mamamayan na apektado ng COVID-19 pandemic.
Samantala, muling nagpaalala si (MSWDO-Midsayap) Head John Karlo Ballentes sa publiko na sundin ang standard health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, pag-obserba sa physical distancing at paghuhugas ng kamay oras-oras para makaiwas sa nakamamatay na sakit.
Sa huling tala ng Rural Health Unit o RHU-Midsayap, nasa 33 na ang kabuoang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 sa nabanggit na bayan kung saan 17 rito ang recovered habang ang 16 naman ay active cases o patuloy na nagpapagaling.