-- Advertisements --


Naniniwala ang beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na hindi dapat balewalain ng pamahalaan ang 4% inflation rate ng Pilipinas noong Marso.

Kahit pa pasok ito sa target range na 3.3 percent hanggang 4 percent ng Bangko Sentral ng Pilipinas, sinabi ni Salceda na ito ay dapat ikonsidera na bilang “trigger” para umaksyon pa lalo ang pamahalaan.

Iginiit ni Salceda na dapat pabilisin ng pamahalaan ang ipinangakong ayuda sa taumbayan, kabilang na ang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na targeted cash subsidies.

Tiniyak naman niya na handa ang Kamara na magbigay ng karampatang appropriations para ma-cover ang mga ito, o hindi naman kaya ay karampatang policy support para umusad lamang ang mga ipinangakong ayuda.

Samantala, bagama’t humuhupa na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, umaasa si Salceda na hindi na lalala pa ang inflation sa mga susunod na buwan.

Ito ay dahil nakikita niya na tatagal pa ng ilang buwan ang sitwasyon sa Ukraine, na makakaapekto pa rin sa presyo ng langis, dahilan para kailanganin pa rin ang pagbibigay ng ayuda.

Samantala, pinababantayan ni Salceda sa pamahalaan ang pagtaas ng presyo sa mga baked goods, gayong inaasahan na magkakaroon ng shortagesa trigo sa darating na Mayo bunsod ng Russia-Ukraine conflict.