-- Advertisements --
magsasaka hacienda tinang

Pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang pamimigay ng P15,000 ayuda, para sa mga magsasakang maaapektuhan sa gitna ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, nakikipag-usap na sila sa Department of Agriculture (DA) para sa ibang interventions o tulong para sa mga magsasaka.

Sa ngayon, tinatapos muna ang payout sa cash assistance para sa maliliit na rice retailers na apektado ng pinaiiral na price cap sa regular at well-milled rice.

Kumpiyansa naman ang kalihim na aaprubahan ng Pangulo ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka.

Sinabi din ni Sec. Gatchalian na maaari nilang gawin ang mekanismo ng pamamahagi ng tulong pinansiyal kapareho sa pamimigay ng rice subsidy para sa rice retailers.

Habang ang DA naman ang siyang tutukoy sa mga benepisyaryong magsasaka.

Una rito, ilang grupo ng mga magsasaka at mga kooperatiba ang nanawagan para sa cash subsidy sa gitna ng nakaambang banta ng matinding tagtuyot na maaaring tumama sa 45 na probinsiya sa bansa base sa pagtaya ng state weather bureau.