-- Advertisements --

Naglabas ng pahayag ang pamilya Aquino matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte na baka matulad ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa sinapit ng in-assassinate na si yumaong dating Senador Benigno “Ninoy Aquino Jr. sakaling bumalik ito sa Pilipinas.

Sa isang maikling statement na inisyu ng Ninoy & Cory Aquino Foundation ngayong araw, Marso 24, binigyang diin ng pamilya Aquino na kung pag-aaraalan ang kasaysayan, ibang iba aniya ang ginawa kay Ninoy sa pinagdadaanan ngayon ni dating Pangulong Duterte.

Samantala, sa hiwalay na statement sa kaniyang X account, tinawag ni dating Senator Leila De Lima na isang desperadong pagtatangka ang aniya’y drama ni Duterte para matakasan ang kaniyang pananagutan. Ang hustisya aniya ay hindi madadala ng melodrama kundi ng katotohanan lamang at ang kasaysayan aniya ang nakakaalam ng pagkakaiba.

Iginiit din ng dating Senadora na bumalik si Ninoy Aquino sa bansa kahit na alam niyang buhay niya ang kapalit at ang kaniya umanong katapangan ay para sa bayan, para sa demokrasiya at para sa mamamayang Pilipino.

Matatandaan na sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ng Bise Presidente na binalaan niya ang kaniyang ama na posibleng magaya ito kay Aquino kung ipipilit niyang bumalik dito sa bansa.

Kung babalikan ang kasaysayan, pinaslang si dating Senator Aquino sa may tarmac ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dating tinatawag na Manila International Airport noong Agosto 21, 1983 matapos ma-exile sa Amerika sa loob ng ilang taon.

Ang asasinasyon kay Aquino ay nangyari sa ilalim ng pamumuno ng ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si yumaong dating Ferdinand Marcos Sr. na itinuturong nasa likod umano ng assassination, subalit hindi pa ito napapatunayan hanggang sa kasalukuyan.