KORONADAL CITY – Hindi nagtagumpay ang planong pambobomba stower ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa Sitio Punol, Batulawan, Pikit na sakop ng Special Geographic Area ng BARMM.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Dennis Almorato, tagapagsalita ng 6th ID, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Almorato, pinangunagan ng EOD ng military ang pag-disarmed sa tatlong mga IEDs o anti-personnel mine na tangkang pasabugin sa NGCP tower No. 39 sa nasabing lugar.
Napag-alaman na tinungo ng mga elemento ng 90 Infantry Batallion kasama ang pulisya ang sitio matapos maiulat ng mga sibilyan ang nangyaring pagsabog at doon na natagpuan ang mga anti-personnel mine.
Dagdag pa ni Almorato, maliban sa tatlong mga eksplosibo na natagpuan isa pang unexploded Ordnance (UXO) na gawa sa isang 81mm High Explosive (HE) ang nakita ng mga residente ng Barangay Kadigasan, Midsayap, Cotabato.
Kaugnay nito, itinaas ang alerto ng mga security forces sa South Central Mindanao upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan.
Kung hindi napigilan ng militar at pulisya ang pagsabog ay malaki ang posibilidad na maapektuhan ang suplay ng kuryente sa lugar.
Sa ngayon, hindi pa matukoy kung anong grupo ang may kagagawan ng tangkang pamomoba o kaninong signature ang mga eksplosibo.