Nangako ang Pampanga Police Provincial Office ng pagpapatuloy sa imbestigasyon ukol sa mga dayuhan na umano’y pinatay sa magkakahiwalay na lugar sa Pampanga.
Batay sa talaan ng Pampanga PPO, mayroong siyam na mga dayuhan ang umano’y pinatay sa magkakahiwalay na lugar at magkakaibang panahon.
Sa isang panayam, sinabi ni Pampanga police director Col. Jay Dimaandal na natukoy na ang nasyunalidad ng mga pinatay na dayuhan kung saan anim sa kanila ay mga Chinese nationals habang ang iba ay mga Vietnamese, Malaysian, at Japanese.
Walo sa kanila aniya ay mayroon nang hawak na impormasyon ang pulisya at nakapaghain na rin sila ng criminal case sa mga pinaghihinalaang gumawa nito.
Isa na lamang aniya ang patuloy na iniimbestigahan ngayon ng pulisya.
Ito ay isang babaeng Chinese na nakitang patay sa Mabalacat City, Pampanga noong March 7, 2024.
Sa siyam na dayuhang pinatay, tatlo sa kanila ay natagpuan sa Porac, kung saan naroroon ang kontrobersyal na POGO hub. Ayon kay Dimaandal, ang tatlong Chinese ay pawang nagtamo ng tama ng baril at hinihinalang dinukot ang mga ito sa Pasay City.
Ang bangkay naman ng Vietnamese ay nakita sa Bacolor, Pampanga. Ito ay sinunog ng mga kriminal.
Kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon, sinabi ni Dimaandal na masyado pang maaga upang matukoy kong may koneksyon ang lahat ng mga pagpatay, at kung may kaugnayan ang lahat ng mga ito sa POGO hub.