CENTRAL MINDANAO- Nadakip ang mag-asawang nagpakilala na myembro umano ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga suspek na sina Lito Andi, 44 anyos at asawa nitong si Michelle Baya Andi at nakatira sa Purok Mahayahay Poblacion, Magpet Cotabato.
Nagpatupad ng Search Warrant ang pinagsanib na pwersa ng Magpet PNP katuwang ang 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa bahay ng mga suspek.
Narekober ng raiding team sa loob ng tahanan ng mga suspek ang isang homemade M16 Armalite rifle,isang m203 grenade launcher at isang pakete ng shabu.
Matatandaan na una nang pinatawag ng LGU-Magpet ang mag-asawa dahil sa pangrerecruit para pumasok sa MNLF.
Dagdag ni Magpet Chief of Police,Captain Rolando Dillera, umabot na sa 200 ang kanilang na recruit sa bayan ng Magpet.
Sinabihan mismo ni Magpet Mayor Florentino Gonzaga ang mag-asawa na itigil recruitment activity dahil wala naman silang maipakita ng dokumento sa mga otoridad.
Nadiskubre rin ang maliit na kampo sa kilid ng bahay ng mga suspek na may nakasabit na mga watawat ng MNLF.
Ang mag-asawa ay nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso sa korte.