Muntik nang bumangga ang isang pampasaherong eroplano na Southwest Airlines nitong umaga ng Martes (oras sa America), matapos i-abort nito ang landing sa isang private jet sa runway sa Chicago Midway International Airport.
Ang Flight 2504, na nagmula sa Omaha, Nebraska, ay papalapit na sa runway nang biglang dumaan ang isang business jet sa parehong daanan nito.
Kumalat agad ang video footage sa social media pagkatapos ng insidente, na nagpapakita ng pagbaba ng malaking eroplano patungong sa runway habang ang maliit na jet ay dumaan lamang ilang metro sa harap nito.
Agad na nagdesisyon ang crew ng naturang airlines na itigil ang landing at umakyat muli sa ere upang maiwasan ang posibleng banggaan. Matapos ang ilang sandali, nakapag-landing ang eroplano sa pangalawang pagkakataon at walang naiulat na nasaktan.
Matapos ang insidente, naglabas ng pahayag ang Federal Aviation Administration (FAA) na nagbigay-linaw sa pangyayari at kinundena ang business jet bilang may sala.
‘The crew of Southwest Airlines Flight 2504 initiated a go-around when a business jet entered the runway without authorisation at Chicago Midway Airport,’ pahayag ng FAA.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ang nangyari at ‘wala pang karagdagang detalye tungkol sa business jet o operator nito ang inilalabas hanggang sa ngayon.
Samantala pinagtutuunan ng pansin ng mga awtoridad ang sanhi ng hindi umanong awtorisadong pagpasok ng jet sa runway at ang mga hakbang upang maiwasan ang mga ganitong insidente na maaaring magdulot ng abala sa paliparan.