LEGAZPI CITY – Patuloy na inoobserbahan ngayon ang kalagayan ng ilang mga guro matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang pampasaherong jeep sa Brgy Cagbulacao, Bacacay, Albay.
Patungo na sana sa paaralan sa isla ang naturang mga guro ng masangkot sa aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Barangay Secretary Mary Grace Obiles, nakita aniya na pagewang-gewang ang sasakyan hanggang sa mapa-atras at tuluyan nang mahulog sa bangin na may lalim na 10 metro.
Nagtamo naman ng minor injuries ang ilan sa nasa 20 pasahero na sakay ng naturang jeep subalit wala namang malubhang nasugatan.
Sa hiwalay na panayam naman kay Department of Education (DepEd) Bicol Director Gilbert Sadsad, pinakikilos na ang principal sa apektadong paaralan upang pansamantalang may sumalo sa teaching load ng mga ito.
Sakaling walang makakasalo sa load ng mga sugatang guro, hindi muna papapasukin sa klase ang mga mag-aaral na nahahawakan ng mga ito.