-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pampitong ‘Balay Silangan’Reformation program Center ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BAR) at lokal na pamahalaan ang pinasinayaan sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang binuksan na ‘Balay Silangan’ ay sa bayan ng Datu Montawal Maguindanao.

Ang pagtatayo ng mga ‘Balay Silangan’ sa buong bansa ay programa ng pamahalaan sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng kampanya ng gobyerno kontra-droga. Sinimulan ito ng PDEA noong 2018 sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensiya at ng mga lokal na pamahalaan.

Ang ‘Balay Silangan’ ang magsisilbing pansamantalang tuluyan ng mga boluntaryong sumurender o sumuko na mga personalidad na sangkot sa mga aktibidad ng iligal na droga habang sumasailalim ang mga ito sa repormasyon o pagbabagong buhay hanggang sa makabalik ang mga ito sa kanilang komunidad.

Ang National Oversight Committee para sa implementasyon ng ‘Balay Silangan’ ay pinangungunahan ng PDEA kasama ang mga miyembro nito na Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Administration (TESDA), Parole and Probation Administration (PPA), Bureau of Corrections (BuCor), Department of Trade and Industry (DTI), Department of National Defense (DND), Philippine National Police (PNP), at ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ilan sa mga programang ibinibigay sa ‘Balay Silangan’ ay may kinalaman sa values formation, moral recovery, physical activities, livelihood at skills training.

Sa bayan ng Datu Montawal ang balay silangan ay itinayo mismo ng LGU sa pamumuno ni Mayor Datu Ohto Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal.

Dumalo sa pagbubukas ng balay silangan ang mga tauhan at opisyal ng PDEA-BAR,PNP,AFP,LGU,DSWD,DepED at ibang ahensya ng gobyerno na kasama sa oversight Committee.

Sinabi ni Mayor Otho Montawal na magbibigay siya ng scholars sa mga anak ng mga drug surrenderees na gustong mag-aral.

Nagpasaring naman ang Alkalde sa mga indibidwal o grupo na sangkot sa kalakalan ng pinagbabawal na droga na ayaw sumuko,nagmamatigas at ayaw magbagong buhay na siguradong may kalalagyan sila sa batas.

Binigyan rin ang mga drug surrenderees ng bigas,cash at livelihood assistance na makatutulong para sa tuloy-tuloy nilang pagbabago.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng LGU-Datu Montawal ang kampanya kontra illegal drugs sa kabila ng krisis sa Coronavirus Disease (Covid-19)

Samantala,pinasiyaan rin ang Womens crisis center na pinangunahan ng unang ginang ng bayan ng Datu Montawal na si Bai Kristel Montawal.

Matatandaan na nakatutok si Bai Kristel sa mga programa,problema at karapatan para sa mga kababaihan sa bayan ng Datu Montawal.