Tinawag na media stunt ng nabalong may-bahay ng napaslang na Gobernador ng Negros Oriental na si Pamplona Mayor Janice Degamo ang pansamantalang pagpapalaya kay dating Congressman Arnolfo Teves Jr. na itinuturong utak sa Pamplona masaccre noong Marso 2023.
Aniya, ang media stunt ng legal team ni Teves ay photo-op lamang na idinisenyo para i-mislead ang publiko at maghasik ng takot sa Negros Oriental para ipakita na muling nagamit ni Arnie Teves ang kaniyang pera para matakasan ang hustisiya.
Samantala, inihayag din ni Mayor Degamo na sinabi sa kaniya ng Department of Justice na dinala sa kustodiya ng national police ng Timor Leste si Teves at humarap ito sa korte noong umaga ng Martes para sa extradition proceedings.
Sa isang statement na inilabas nitong Martes, sinabi ng DOJ na ang pagpapalaya kay Teves mula sa piitan at muling pag-aresto ay parte ng legal na proseso ng Timor Leste subalit hindi ipinaliwanag kung bakit pinalaya si Teves.
Pinasalamatan din ni Justice Sec. Jesus Remulla ang gobyerno ng Timor Leste sa walang patid na pakikipagtulungan nito para madala sa hustisya ang dating mambabatas.
Ang muling pag-aresto aniya kay Teves ay nagbibigay diin sa matatag na partnership sa pagitan ng mga bansa at ang kanilang kolektibong commitments para mawakasan ang impunity anuman ang social status o impluwensiya ng isang indibidwal.