-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kapansin-pansin na umano ang pagbabago ng pamumuhay sa bansang Italy dahil sa bilis ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Roderick Ulanday, overseas Filipino worker (OFW) sa Varese, Italy, kitang-kita ang pagbabago sa mga simbahan, sa mga pampublikong lugar, at maging sa pagtanggap sa kanila ng mga ospital.

Apektado rin umano ang turismo ng Italy at maraming mga public attractions ang isinara para maiwasan ang kumakalat na sakit.

“Mapapansin po natin kahit sa sinasakyan naming bus pang araw-araw upang pumunta sa trabaho ay kukunti na rin ang sumasakay. Kahit na eskwalahan dito ay isinara na rin. Sa mga plaza ng Varese na dating pinagtatambayan ng mga teenagers na Italiano ay iniwasan na rin po nilang pumunta. Kahapon galing ako dun sa doctor ko upang magpa-check up ako doon dahil sa aking diabetic situation. Doon ay nagbago na rin ang sistema ng mga doctors po namin. Dati pumapasok po kami sa kanilang mga rooms. Dahil sa pag-iingat nila eh hindi muna sila nagpapapasok.”

Inamin rin nitong natatakot sila sa virus pero nananatili lang silang positibo at tuloy pa rin sila sa trabaho.

“Kung di tayo magtatrabaho ay wala po tayong ipambabayad sa mga monthly expenses natin dito. Sa ayaw at sa gusto namin eh nandito po kami pumapasok ng normal. Konting ingat lang.”