-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagpahayag ng kanyang suporta sa planong pamumuhunan ng mga Chinese investors sa probinsya ng Cotabato si Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza matapos ang kanilang pagpupulong sa ikalawang pagkakataon na ginanap sa Provincial Governor’s Office, Amas, Kidapawan City.

Inihayag ng mga nasabing investors ang kanilang interes sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura partikular ang bigas, saging at mais bilang isa sa mga malalaking produksyon ng probinsya bawat taon.

Ibinahagi din ng mga ito ang planong pagpapatayo ng mga drying areas sa probinsya para sa mas mabilis na pagpapatuyo ng mga produkto.

Ayon kay Governor Mendoza, prayoridad ng kanyang administrasyon na mapangalagaan ang bawat magsasaka sa lalawigan, kaya hamon din nito na ibigay ang maganda at mataas na presyo at trabaho para sa ikauunlad ng bawat magsasaka sa probinsya ng Cotabato.

Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan nina Provincial Advisory Council Members Amalia Datukan, Amina Datukan at Sam Mate kasama ang ilang mga kawani mula sa Office of the Provincial Agriculture.