NAGA CITY- Naniniwala si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na malinawag na pamumulitika ang isa sa mga tinitingnang dahilan sa likod ng usapin ng franchise renewal ng ABS-CBN Corporation.
Sa isang panayam kay Pangilinan, sinabi nitong nakakalungkot umanong isipin subalit isa talaga ito sa kanyang nakikitang dahilan kung bakit malaking isyu ang franchise renewal ng nasabing kumpanya.
Subalit, ayon kay Pangilinan hindi naman ito sapat na dahilan upang ma shutdown ang nasabing kumpanya at mawalan ng trabaho ang mahigit 11,000 na mga empleyado.
Pagtatapat naman ni Pangilinan, maging siya mismo may hinanakit sa nasabing kumpanya dahil sa milyong pisong halaga ng hindi nailabas na advertisements at bump off ads.
Subalit paglilinaw nito, kailanma’y hindi dapat madamay ang personal na damdamin lalo na kung maraming mga kababayan ang maapektuhan.
Samantala, umaasa naman si Pangilinan na masosolusyunan agad ang nasabing isyu lalo na kung matindi ang paninidigan ng nasabing kumpanya na wala silang nilabag at pagkukulang.
Kung maaalala, isa sa itinuturong rason sa nasabing isyu ang umano’y hindi pagpapalabas ng advertisements ni Presidente Rodrigo Duterte noong nakaraang campaign period.