-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ikinagalak ng pamunuan ng Yellow Bus Lines Incorporated ang pagkakaaresto sa itinuturong mastermind sa pamomomba at panununog sa dalawang unit ng kanilang bus sa lalawigan ng North Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mr. Bernardo Bolanio, operations manager ng YBL, isang magandang development ang nangyari at nagpapasalamat sila na nahuli na ang mastermind sa pagpapasabog ng bomba sa kanilang bus noong Enero 27 nitong taon sa bayan ng Tulunan at panununog naman noong Hunyo 3 sa bayan ng M’lang, North Cotabato na pumatay sa 4 na inosenteng sibilyan.

Kinilala ang naaresto na si Ali Akbar, nasa legal na edad at pinaniniwalaang bomb expert at extortionist na kasapi ng Dawlah Islamiya-Hassan Group.

Inaresto ito ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at mga sundalo.

Sa ngayon, maituturing na umanong hustisya sa mga namatay at nasugatan ang pagkakahuli kay Akbar ngunit dapat din umano na mahuli din ang mga kasamahan nito.