CENTRAL MINDANAO – Malaki ang tulong ng paninindigan ni Cotabato Governor Nancy Catamco upang maihatid ang hustisya sa pamilya ng mga biktima sa nangyaring pagpaslang sa Kabacan.
Ito ang sinabi ni MILF-Local Monitoring Team chairman at BARMM Brgy Coordinator, Jabib Guiabar.
Sa ginawang dayalogo na ipinatawag ng gobernadora kasama ang pamilya ng mga biktima ay nagawang maipaabot nito ang kanilang hiling na hustiya at naipadama ang kanilang dalamhati.
Sinabi ni Guiabar, nag-utos na ang pamunuan ng MILF na iwasan ng Bangsamoro army ang gumawa ng ‘di mabuti upang maiwasan ang paglaki ng problema at nang ‘di na gugulo pa ang sitwasyon.
Una nang nag-utos ang gobernadora sa pulisya na maglunsad ng malalimang imbestigasyon at papanagutin ang maysala.
Hudyat din daw ito na dapat makiisa ang MILF at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sa peace rally na ginawa ng Bangsamoro, sinabi ni Guiabar na dumating ang mga matataas na lider ng MILF na pinangunahan ni Executive Secretary Abdul Rauf Macacua at dalawa pang myembro ng parliament.
Naghatid ito ng pag-asa sa mga lumahok sa peace rally.
Nag-utos na rin umano ang MILF chief of staff sa Bangsamoro army na tumulong sa investigative team ng MILF upang matukoy kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Hiniling rin ng pamunuan ng BARMM sa mga testigo at kapamilya na maglabas ng impormasyon kaugnay sa krimen.
Naghayag ng pasalamat si Guiabar sa pamunuan ni Gov Catamco kautusan nito sa mga otoridad na tugisin ang mga salarin.