-- Advertisements --

Inihayag ng pamunuan ng PhilHealth na kanilang iginagalang ang pananaw ni Health Sec. Ted Herbosa kaugnay sa kanilang napinpintong premium rate hike ngayong taon.

Kung maaalala, nanawagan si Secretary Herbosa na ipagpaliban muna ang naturang taas kontribusyon para sa mga miyembro ng PhilHealth ngayong 2024.

Ayon kay PhilHealth Corporate Affairs Group Acting Vice President Rey Baleña, pagdating sa rekomindasyon ni Herbosa ay lubos nila itong kinikilala at ginagalang.

Sa isang panayam iniulat rin nito ang kinalabasan ng board meeting kung saan naging mabusisi ang talakayan sa inaasahang 5% increase sa kontribusyon ng bawat miyembro ng PhilHealth.

Kaugnay nito ay tiniyak ng PhilHealth na nakikipag ugnayan na kay Sec. Herbosa ang kanilang board para sa nasabing usapin.

Samantala, hinihintay na rin nila ang pasya ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa naturang usapin.