-- Advertisements --

Naniniwala ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na malaki ang epekto ng papalit-palit na pamunuan sa kanilang korporasyon sa pagpapabilis ng pagbibigay ng mas magandang benepisyo sa kanilang mga miyembro.

Ayon kay PhilHealth President at Chief Executive Officer, Emmanuel Ledesma Jr., kapag ganito ang scenario ay bumabagal ang pagbibigay ng mataas na benefit package .

Ginawa ni Ledesma ang pahayag sa ginanap na House Committee on Health briefing hinggil sa kanilang mga pinalawak na benepisyo.

Paliwanag ni Ledesma na mula noong panahon ng administrasyong Aquino hanggang sa administrasyong Duterte ay aabot na sa 11 na personalidad ang namahal sa kanilang korporasyon.

Hindi rin aniya sapat ang kanilang mga tauhan kabilang na ang legal, HR, finance at maging ang actuary department.

Sa ngayon ay patuloy ang pag -aaral na isinasagawa ng Governance Commission for GOCCs hinggil sa pagdaragdag ng kanilang mga empleyado.

Kumpyansa naman si Ledesma na malaki ang maitutulong sa kanilang korporasyon ng digitalization na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.