-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng ParaƱaque Integrated Terminal Exchange o PITX na nakahanda na sila sa dagsa ng mga pasahero ngayong malapit na ang pasko.

Sa isang pahayag, sinabi ni PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jason Salvador na posibleng umabot sa 1.3 hanggang 1.5 milyong pasahero ang bumisita sa kanilang terminal para umuwi ng kani-kanilang mga probinsya.

Ito aniya ay maaaring bumuhos mula Disyembre 15 hanggang 29 ng kasalukuyang taon.

Hindi rin inaalis ng kanilang pamunuan ang posibilidad na mapa-aga ang dagsa ng mga pasahero sa kanilang terminal.

Dahil dito, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga ahensya ng gobyerno upang matiyak na maipapatupad ng maayos ang kanilang contingency plan sakaling kulangin ang mga bilang ng bus na bumabyahe sa PITX.