NAGA CITY- Sugatan ang isang panadero matapos tagain sa Lucena City.
Kinilala ang biktima na si alyas Jayson, 37-anyos residente ng Welmanville Subdivision, Brgy. Bocohan, sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng biktima sakay ng kanyang bisikleta ang kahabaan ng Brgy. Domoit mula sa Pagbilao Quezon papunta sa Purok Rosas, sa nasabing barangay ng bigla na lamang itong hatakin ng suspek na kinilalang si alyas Eloy, 38-anyos, residente ng Brgy. Gulang-gulang, Lucena City.
Dahil sa pangyayari, nahulog sa daan ang biktima mula sa bisikleta at dito na tinaga ni alyas Eloy sa kanyang batok si alyas Jayson.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, kaagad naman na humingi ng tulong sa mga pulis ang mga nakakitang residente kung kaya kaagad rin naman na nadala sa ospital ang biktima habang kaagad naman na tumakas ang suspek papunta sa Sariaya area.
Samantala, napag-alaman pa na planado ng suspek ang krimen dahil mayroon palang hindi pagkakaintindihan ang dalawa dahil sa kanilang trabaho.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad maging ang paghahanap sa posibleng kinaroroonan ng suspek.