BAGUIO CITY – Tuluyan nang kinansela ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang lahat ng events ng Baguio Flower Festival o Panagbenga 2020 kasabay ng lalong pagtaas ng kaso ng coronavirus disease dito sa bansa.
Ipinaliwanag niyang ito ang napagkasunduan ng inter-agency task force alinsunod sa rekomendasyon ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI).
Kinansela din ng alkalde ang Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet 2020 na gaganapin sana dito sa lunsod Baguio ngayong Marso.
Sinabi pa niyang suspindido din ang operasyon ng Baguio Night Market sa loob ng 14 araw mula bukas, Marso 10.
Kinansela din ni Magalong ang Sunday pedestrianization ng Session Road.
Aniya, ang mga ito ay bahagi ng pag-iingat laban sa coronavirus disease.
Lubos namang ikinagalak ng mga mamamayan ng lunsod ang tuluyang pagkansela sa Panagbenga 2020.
Sang-ayon din dito ang mga negosyante para sa ikabubuti ng lahat kahit aminado silang malaki ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.