BAGUIO CITY – Mabubuksan sa unang linggo ng Disyembre ang mga aktibidad ng Baguio Flower Festival 2020.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Andrew Pinero, Public Information Officer ng Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB), sinabi niyang nakipag-ugnayan na ang asosasyon kay Mayor Benjamin Magalong at napag-usapan ang tungkol sa Flower Festival o Panagbenga.
Sinabi niyang isa sa mga napagkasunduan ang pagpinal sa logistical support ng lokal na pamahalaan ng lunsod sa Baguio Flower Festival Foundation Incorporated (BFFFI) na mangunguna sa pagdiriwang ng Panagbenga.
Napag-usapan ang venues kung saan isasagawa ang mga highlights ng selebrasyon tulad ng Grand Float Parade, Baguio Session Road in Bloom at iba pa.
Idinagdag ni Pinero na ililipat ang Baguio Bloom sa parking lot ng Baguio Convention Center mula sa dating pwesto nito sa Burnham Park.
Pormal na ipagdiriwang ang Panagbenga 2020 sa Pebrero Uno hanggang sa unang linggo ng Marso ng susunod na taon.